I’m Back!

June 17, 2015 1 comment

Sa totoo lang. Ngayon ko lang uli nasilip ang blog ko. At ang tagal ko bago maka register dahil di ko na maalala ang user name at password. Buti na lang at natsambahan.

Yes! Ang tagal! Parang gusto ko ulit magsulat dito  anak ng pying kasi  nalulong sa Facebook at sa trabaho. Bigla kong naalala, “May blog nga pala ako! Mabisita nga.” At ang sarap basahin at sariwain.

After 4 years ay magtatala uli ako ng mga kwento at karanasan, mga iniisip at kung ano ano  .

Let’s go!

 

 

YouTube

September 23, 2011 Leave a comment

Kamakailan ay may bago akong “trip”

Ito ay ang pag-upload ng mga awit sa YouTube. Mga awit na ako ang kumanta at gumitara. Maraming natuwa at nagsabi na “Ayos ang bagong trip mo ah.”

Naisip ko lang kasi, bakit di ko ibahagi ang aking talento. Mga awit ito na paborito ko, at mga awit na komentaryo sa nangyayari sa ating bansa at lipunan.

Isa pa, nitong mga huling araw kasi ay nakakaramdam na ako ng pananakit sa aking daliri. Sabi ko sa aking sarili, baka mamaya di na ko makagitara, makatugtog na ngayon ay mai-post sa YouTube. Mga halos 20 kanta na siguro na upload ko.

Ngayon may bago akong mga kaibigan sa YouTube. Medyo iba rin pala ang mundo ng YouTube kumpara sa Facebook , Twitter at iba pa.

Heto ang sample ng ilang inupload ko. Sana magustuhan niyo. Maraming Salamat po.

http://www.youtube.com/watch?v=xpqyxqg7-A8

 

 

Categories: Kultural, Personal

Ang Sarap

August 9, 2011 Leave a comment

Magandang umaga, Pilipinas.

ang sarap gumising sa umaga!
ang sarap huminga!
ang sarap kumain!
ang sarap mag internet, mag skype at mag facebook!
ang sarap maghatid ng mga anak sa school!
ang sarap mag motorsiklo!
ang sarap ng kape!
ang sarap ng tocinong manok!
ang sarap makinig sa awit ni Heber!
ang sarap ng may mga kaibigan!

ang sarap mahalin at magmahal!

ang sarap mabuhay!

Categories: Uncategorized

EDSA 1 ANNIVERSARY

February 24, 2011 3 comments

Oh, ayan na naman. EDSA anniversary na naman. 25 years. Silver Anniversary. Iba’t-ibang opinyon. Iba’t-ibang pagsusuri. May okay. May hindi. May galit. May kuntento.

Para sa akin, na naging bahagi rin ng kasaysayan ng laban sa diktadura, proud na naging bahagi nito, pero bitin pa rin.

sabi ng ng Yano, “Kumusta ba? Ayos pa ba? Ang buhay natin, kaya pa ba? Eh kung hindi, paano na? Ewan ko ba.. bahala na.” Patay. Bahala na? Mahirap ata. Pero marami sa mga Pinoy, ganun ang sinasabi. May bagong Aquino. Pag-asa ang alok noong Mayo. Pero 7 buwan pa lang. Wala pang isang taon. Maraming ekspektasyon. May ilang pagbabago–laban sa korapsyon, reporma sa ilang ahensya, .. Pero kung pundamental na pagbabago, tiyak na wala (pa). Di naman “anti-sistema” ang Pangulo. Kaya keber lang sa PPP, liberalization, deregulation. Kaya ako, inilalapat ko lang ang mindset ko sa kasalukuyang administrasyon. Yung GANAP na pagbabago, malayo pa un. Kaya tama naman. 25 years ng EDSA, wala pa ring GANAP at PUNDAMENTAL na pagbabago. Dapat nagkaroon at magkaroon tayo ng Pangulo na magbubunot ng nakaugat na problema. Systems change ika nga.🙂

Naalala ko tuloy. 25 years ago. Nasa Baliuag ako. Doon kami naka deploy. 17 anyos. FT. Naghahanda para sa Welgang Bayan ng Pebrero 25.Dapat may sariling “guhit”. Dapat “pamunuan” ang ispontanyong kilos ng masa. Nakahanda na lahat. Pang barikada. groundwork at propa nagawa na. Magsasarado ang mga palengke. tigil pasada ang mga jeep. Pebrero 24. Kasado na.

Pebrero 25. madaling araw. TV lang at radyo ang komunikasyon. walang internet. walang cellphone. ni wala pang pager noon. palara lang ng sigarilyo ang pagte text noon. Nanonood kami ng TV. Pucha. Umalis na si Marcos!
Imbes na galak, nalito kaming bigla. Paano to? wala na si Marcos. Tuloy pa ba ang barikada? Tuloy ba ang WeBa? hintay ng command….Umaga na. Wala pang command. So, paano? Tuloy na lang natin ang barikada.

ayun, set-up pa rin ng barikada. pero ang masa, nagtatanong na? umalis na si Marcos. Panalo na tayo! tanggalin niyo na ang barikada. walang magawa. tanggal ang barikada. so ano na?

“Mga kasama, sama tayo sa tagumpay ng bayan rally” wow. babaan ang mga kasama. Nagulat ako. Ang mga nakahanda sana sa WeBa, pulos naka dilaw na! may yellow ribbon pa sa ulo. pero malulungkot. wala na si Marcos. Paano na ang rebo?

Punta kami ng Malolos. May programa para sa tagumpay ng laban. Sama-sama na. nakita ko ang ilang mga kasama ko, malulungkot pa rin. parang napilitan lang na magsuot ng dilaw na tshirt at ribbon. Pagkatapos ng “selebrasyon” balik sa dati. Ano na ang gagawin… at sumunod na ang mahabang proseso ng pag”tatasa”. tama ba ang boycott na linya? tama ba ang critical participation? etcetera , etcetera.

Yan ang alaala ko ng mga araw ng Edsa. Wala ako sa Metro Manila. Doon lang kami. Pero sa totoo lang, dama ko rin ang saya noon. Di ko lang maipakita sa ilang mga kasama. baka sabihin, “repormista” ako at dilawan hehe. 17 anyos lang ako noon.

Ngayon 42 na ako. 25 years ang nakaraan. Patuloy pa ring nangangarap sa GANAP na pagbabago. Maibibigay ba ito ng “pangalawang” Aquino? Malamang sa hindi. Kaya naniniwala pa rin ako na dapat talaga, mamulat ang mga Pinoy sa tunay na ugat ng problema natin. at ito ang dapat tugunan ng mga susunod na lider natin. sa anong paraan makapaglagay ng pangulo na “anti-sistema?” Kelan mangyayari yan? May pakiramdam akong masisilayan ko pa yan🙂

Korapsyon

January 31, 2011 1 comment

Karaniwan, ang impresyon ng mga tao sa Pilipinas ay bansa na karaniwan na ang korapsyon sa pamahalaan. Totoo naman ito. Lagi tayong topnotcher sa pinaka corrupt na bansa ayon sa Transparency International.

Noong kampanyang elektoral, ito ang pangunahing campaign line ni Noynoy Aquino. Ngayong nakaupo na siya, malalaman natin kung totoo siya sa pangakong sugpuin ang korapsyon. Isa ito sa susukatin sa kanya ng mga tao.

Anim na buwan mula nang manungkulan, sumambulat ang pinaka-engrandeng kaso ng korapsyon– KORAPSYON sa MILITAR. Isyu na naging dahilan sa pagkakakulong ng mga junior officers– ipinakulong ni Gloria at mga tuta niya. Kumanta si Rabusa. Sabit sina Reyes at iba pa. Pati na si Gloria.

Alam natin na hindi naman korapsyon lang ang problema sa ating bansa. At lalong hindi korapsyon ang ugat ng problema ng bansa— kundi mga pansistemang problema. Pero mabuti na lamang at seryoso si Noynoy na harapin ang usapin ng korapsyon, partikular itong mga bagong mga bulate ng kaso na lumabas sa lata ng imbestigasyon.

Medyo mabigat na laban ito. Militar pa ang kinalaban niyo, ika nga. Sabi ng Pangulo, imbestigahan ito, sa layuning may maparusahan. Tama. Dapat may managot. Pera ng taumbayan ang ninanakaw niyo. Ang daming gutom na Pilipino, tapos kayo, buhay milyonaryo o bilyonaryo dahil sa perang ninakaw niyo? Wala nang hiya ang mga to. Kaya ang hirap sabihang “Mga walanghiya kayo!” Wala ring epekto. Ano kaya ang dapat gawin sa mga hayup na to?

Sa ibang bansa, pag nasangkot sa anomalya ang mga lider, sila mismo ang nagre resign o minsan pa ay nagpapatiwakal. Ganun na lang sana no?

Pero dahil nga hindi rin nila gagawin yun… nananawagan na lang ako sa mga mangkukulam na may diwang makabansa. alam niyo na ang gagawin niyo siguro..:-)

Tayo namang taumbayan, ano ang gagawin natin? Tatanghod lang ba? Magkibit balikat? Dating gawi? Sana naman hindi.

Tingnan niyo mga Arabo. Pero sa atin sila natuto!

Korapsyon sa gobyerno. Sa military. Sa LTO. sa iba’t-ibang ahensya. sa kapitolyo. sa munisipyo. city hall. hanggang sa barangay. paano ito masusugpo?

Edsa 2

January 21, 2011 1 comment

Erap resign!

Pumalit si Gloria.

Nagsisi ang tao.

Mas grabe pa kay Marcos at pinalitan niya. ang pumalit, akala mo mabait, ayun pala switik!

Kaya siguro ang mga Pinoy , nadala na sa Pipol Power. kaya di napatalsik si GMA. Isip nila siguro,”baka ganun na naman ang mangyari o mas masahol na naman pag pinalitan si gloria.” ayun… 9 na taon sa Malacanang ang bruha. At sa 9 na taon, ang daming anomalya! Kaya dapat MANAGOT SIYA! PARUSAHAN! IPAKO SA KRUS!

KASO ngayon, congresswoman pa siya at patuloy na namamayagpag.  Mga dating alipores niya, naglipatan lang sa ibang partido. sabi ng iba, “Lakas Pala.”

So, buhay pa ba ang Pipol Power at dapat ba tong gunitain?

Depende siguro. Depende sa konteksto. Gunitain natin siya para di natin makalimutan ang mga kalabisan ni Gloria , maging mga nauna pa sa kanya.  Gunitain natin ang Edsa para ipaalala sa atin na nasa ating mga kamay pa rin ang sagot at solusyon sa pagbabago. Edsa1 at Edsa 2 nagawa nating makapagpabago ng gobyerno.

Kaso, depende nga sa konteksto. ano nangyari pagkatapos ng dalawang Edsa?  hindi ko na sasagutin. Alam niyo na kung ano. (nagka Edsa 3 pa pala kaso di nga lang nagtagumpay. Dapat nagka Edsa 4 din , kaso mautak na si Gloria. Di niya na pinaporma.) May 2010 election. bagong people power– people power sa balota.

Ngayon, panahon na ni Pinoy. Magka Edsa kaya uli?

Reunion

January 19, 2011 1 comment

EUPHORIA!

Yan ang pakiramdam ng lahat ng mga dumalo nitong December 18, 2010 nang magkaroon kami ng reunion ng mga batchmates ko sa highschool. Batch 1985 kami ng Regina Carmeli College (ngayon ay University of Regina Carmeli na) sa Malolos, Bulacan. Silver anniversary namin.

First time ko ring maka attend ng class reunion. Mantakin mo naman. 25 years. Iba’t ibang hugis na. iba’t ibang itsura na. May nagbago. May ganun pa rin. May dating lalake na babae na ngayon. May dating babae na mas naging babae ngayon:-)

Halos di matapos ang saya. Kwentuhan. Inuman. Sayawan. Kantyawan. Balik tanaw sa masayang nakaraan. Nanariwa ang dating alaala. Dating pag-ibig. Dating crush. Dating magkaaway. Dating magkakabarkada. May nagkaroon ng “closure”, may nabuong bagong pag-ibig.

Natutuwa ako at mukhang kakaiba ang batch namin.  Bago ang reunion, ang dami nang “mini reunions” dahil sa mga preparatory meetings. Pagkatapos ng reunion, gusto na namang magkita-kita uli. Parang nanumbalik sa pagkabata.

Naging “solid” ang buong batch. Dati magkakahiwalay , iba’t-ibang section. Akala suplada, ayun naman, di pala.

Salamat sa bisa ng bagong teknolohiya — ang internet , partikular ang Facebook,  at naging madali ang komunikasyon sa paghahanda at patuloy na ugnayan. Kaya kabi-kabila marahil ang mga reunion ngayon. Mga teacher na di nakita sa matagal na panahon.  Nag-online pa at webcam , para sa mga kaklase na nasa ibayong dagat.

Noon ko natanto na ang dami pala sa aking mga kaklase ang bahagi ng mga “bagong bayani.” May nasa U.S., Canada, Japan, Saudi, Italy, France, at kung saan-saan pa.  Nakakalat ang Batch 85. Kasama ang milyon-milyong Pinoy na nakikipagsapalaran sa ibang bansa dahil walang gaanong oportunidad dito sa Pinas. Ang pinaka importante, kahit na iba’t-iba ang antas sa buhay, buo ang samahan. Kahit sa isang gabi ay hindi naging hadlang ang antas ng pamumuhay, di tulad sa pang-araw-araw kung saan ay madarama ng maraming Pinoy ang kaibahan ng “meron” at “wala”. Pantay-pantay lang. May respeto.

Napansin ko rin na dahil sa reunion, at sa internet, ay tunay na nagkakaroon ng isang komunidad sa isang “artipisyal” na mundo ng internet, tulad ng Facebook. Komunidad, na makakatulong sa iyo kapag nalulumbay ka o nagbibigay sa yo ng pagpapahalaga. Komunidad na tutulong sa yo upang mas maging mabuti kang tao.

Sa aking mga batchmates, MISS KO NA KAYO! Reunion ulit. May Valentines Day ngayong Pebrero.